SA MALAMIG NA PANAHON
Sa malamig na panahon, aminin niyo man o hindi ay may biglang sumasagi sa isip natin. Merong mga bagay na naging bahagi ng buhay natin na nakakamiss. Yun bang hanggang isip na lang ang pwede nating gawin dahil alam natin na hindi na mauulit ulit lahat. Hanggang pagbabaliktanaw na lang lahat. Hanggang dun na lang. At dahil sa pagbabaliktanaw na yun, patuloy nating sinasabi sa utak natin na tama na at wag nang umasa pa. Pero ang puso natin, hindi nagpapatalo. Hindi magsisinunangaling. Dahil kahit ano pang sabihin natin sa utak natin, kinokontra ito ng nararamdaman natin. Wag na umasa, pero ang totoo patuloy tayong umaasa na darating ang panahon na mangyayari ulit ang mga bagay na nakapagpasaya sa atin noon.
Sa malamig na panahon, para tayong tanga na ngumingiti mag-isa. Ngumingiti dahil sa mga binabalikang memorya. Pero pag natauhan tayo na hanggang dun na lang, ang ngiti ay mapapalitan ng pagkadismaya. Ang saya na naramdaman ay mapapalitan ng lungkot. Lungkot dahil hindi mo na kayang sundan pa lahat. Hindi mo alam kung may susunod pang kabanata. Bigla mo na lang maiisip na papaano na kaya kung sa mga susunod pang malamig na panahon, mag-isa ka pa rin?
Sa malamig na panahon, may isang tao kang iniisip. Taong mahal mo at minahal ka rin. Pero dahil sa mga pangyayari noong mainit na panahon, natapos ang relasyon at hindi mo alam kung anong mangyayari sa susunod. Kahit pa tinanggap mo na ang mga masasakit na pangyayari sa inyo, may naiwan pa ring bakas ng ligaya sa puso mo. At dun mo hinuhugot ang kapwa saya at lungkot na nararamdaman mo. Masaya kasi nagmahalan kayo at naging maligaya kayo. Malungkot dahil hindi nagtagal yun.
Sa malamig na panahon, hindi makukuha sa mainit na sopas o masarap na champorado ang sugat sa puso mo. Oras lang ang katapat nito. Malay mo sa susunod na malamig na panahon, naghilom na ang sugat at napawi na ang sakit na nararamdaman mo.











