MR. BULONG
Dahil sa kasalukuyan kong kausap ang isa sa mga nakasama ko sa Pampanga at biglang lumabas sa bibig ko ang Hacienda (Naks! Rhyming!), na-miss ko tuloy pumarty doon! Pareho naming na-miss ang atmosphere doon at kailangan namin bumalik para lang maging masaya ulit.
Anyway, sa pag-uusap namin tungkol sa aking kalasingan kabaliwan, may pina-alala siya sa aking lalaki. Lalaki na hindi ko naman kilala at pilit kong ina-alala. Itago na lang natin siya sa pangalang Mr. Bulong.
Hindi ko na maalala yung buong kaganapan pero sinabi lang sa akin ng kaibigan ko na habang sumasayaw ako, biglang bumulong yung lalaki. Tapos inisip kong mabuti kung may nangyari ngang ganun. Hmmm.
Pano ko ba i-dedescribe si Mr. Bulong? Naka checkered or stripes siya na blue. Hindi ko nga lang alam kung shirt o polo yung suot niya basta sure ako na blue yun. May braces siya at maganda at maayos naman yung gupit ng buhok niya. YAN. Yan lang yung naaalala kong itsura niya.
Lumapit siya sa akin, hinawakan ako sa pisngi tapos tinakpan niya ng bahagya yung tenga ko tapos may binulong siya. Masyadong malakas ang sounds at maraming tao kaya hindi ko narinig at naintindihan yung sinabi niya. Nakatingin siya sa akin tapos tumingin ako sa kanya at tinanong ko ng medyo pasigaw na “Ano?!”
Sa pangalawang pagkakataon, lumapit ulit siya sa akin tapos sa may batok ko o leeg ata niya ko hinawakan, tinakpan niya ulit ng bahagya yung tenga ko at inulit niya yung bulong niya. Eh hindi ko na naman naintindihan kaya hindi ko na lang siya pinansin. Tinanong ko ata yung mga katabi ko kung anong sinabi nung lalaki pero malayo sila sa akin at hindi nila ko pinansin kaya hinayaan ko na lang.
Ayun. Tuloy sa pagsayaw. Maya-maya lumapit siya ulit, hinawakan ako sa kamay at sumenyas. Dun na nagtapos. Di ko na siya nakita pa. At yun lang ang tanging naalala ko sa kanya.
Ano kaya yung binulong niya? Isang linggo na ang nakalipas hanggang ngayon hindi ko pa rin alam.











